Alamin saan ang mga lugar na napapabilang sa Most Haunted places sa Baguio City

Ngayong papalapit na ang Halloween, naging parte na ng ating buhay ang mga kwentong katatakutan. Marami sa atin ang sabik makarining ng mga ghost stories at ang iba pa nga ay sadyang dinarayo ang mga lugar kung saan sinasabing may mga nagpapakitang imahe o nilalang na hindi napapabilang sa atin.

Para sa mga adventurers narito ang mga lugar kung saan malakas o madalas nagpapakita ang mga multo kaya napabilang sila sa “Scariest Place in Baguio City”

1. LAPERAL WHITE HOUSE

Isa sa kilalang haunted house sa Baguio ang Laperal White House, itinayo noong 1920s ng Laperal clan. Matagal walang nanirahan sa bahay na ito sa kadahilanang sinakop at ginawang taguan ito ng mga Japanese noong World War II


Kung titignan ang Laperal house tila isang ordinaryong abandonadong bahay lamang ito sa Baguio pero sabi nga ng ilang mga saksi bukod sa kakaibang pakiramdam kapag pumasok ka sa loob at kakaibang mga eerie sounds na iyong maririnig sa loob ay may mararamdaman ka nang kakaiba bago ka pa man makapasok o kahit napadaan lamang ang inyong sasakyan sa Laperal.

“Bata pa lang ako noon malapit ang bahay ng lola ko sa Laperal House kaya tuwing mamamasyal kami palagi namin etong nadadaanan. Kada daan ko palagi kong nakikita na may babae sa bintana, minsan pa nga may nakita akong batang babae galing sa bahay na tumakbo palabas at akala ko ay nasagasaan.. dahil bata pa ako noon walang naniwala sa nakita ko o sadyang pinagkibitbalikat lang nila noon dahil alam ng lola ko at ng mga taga-Baguio na ang nakita ko ay ang multo ng kasambahay at ang 3 taong gulang na anak ng Laperal na nasawi.”

2. TEACHERS CAMP
Maraming mga turista ang nagbabakasyon sa Baguio at pinipiling lumagi sa mga cottage ng Teachers camp dahil bukod sa malapit ito sa mga tourist spot e isa ito sa mga haunted places sa Pinas.


Itinayo ang Teachers camp noong 1908 at tinirhan ng mga Amerikanong guro at naging training site na rin ng mga PMA bago ang World War II. Dahil siguro sa madilim na nakaraan nito kaya sinasabi ng mga lokal ng Baguio na huwag magpapagabi sa Teachers camp kung ayaw niyong maranasan ang mga pagpaparamdam ng mga multo, paggalaw galaw ng mga gamit at mga kakaibang sounds na maari niyong marinig.

3. DIPLOMAT HOTEL

Bukod sa naunang dalawang lugar hindi rin mawawala sa listahan ang Diplomat Hotel sa Baguio. Halos lahat ng turista na pupunta sa Baguio ay nakaplano na ang pagbisita sa naturang lugar.


Ang Diplomat Hotel ay itinayo noong 1911 para maging rest house at seminaryo ng mga Dominican priest. Nagbago ang mapayapang lugar na ito noong World War II kung saan maraming madre at pari ang sinabing pinutulan ng ulo, gayon na rin ang mga walang muwang na mga bata.

Noong 1973 ang sikat na businessman, psychic surgeon at spiritual healer na si Tony Agpaoa ang namahala sa Diplomat Hotel kung saan doon niya pinapaglagi ang kanyang mga pasyente, lokal at galing man sa ibang bansa.

Natigil ang operasyon ng Diplomat matapos itong matupok ng apoy, simula ng magsara ito ang mga lokal na malapit sa naturang hotel ay nakakarinig ng kakaibang mga tunog galing sa abandonadong lugar at aparisyon kaya naging mainit ito sa mga mahihilig sa paranormal at talagang dinarayo ng mga tao.

“Noong nagpunta kami sa Baguio, nagkaayaan kaming magkakaibigan na pumunta sa Diplomat Hotel dahil na rin sa mga kwento kwento. Noong papasok na ang aming sasakyan iba na ang aking nararamdaman dahil na rin sabi ng mga matatanda na bukas nga ang aking third eye hindi na ako bumaba ng sasakyan dahil kasama ko ang anak ko. Ang sabi ko noon sa mga kaibigan ko sa kotse na lang kami ng anak ko pero hindi ko sinabi na dahil may nakita na akong batang babae na naglalaro sa loob ng hotel na hindi nakikita ng ordinaryong mata at ayokong lumapit sa anak ko ang batang babae at makipaglaro. Noong sinabi ko sa anak ko na hindi kami bababa dahil maaring may makita kami na hindi dapat makita nabanggit na lang ng anak ko na “alin doon mami yung bang madre na sumalubong sa mga sasakyan nung papasok tayo na parang galit” Nakalimutan kong bukas nga rin pala 3rd eye ng anak ko.

4. Hyatt Hotel – Baguio City

Sinong makakalimot sa pinsalang dulot ng malakas na pagyanig noong July 16, 1990 4:26pm 7.7magnitude na puminsala sa bansa. Kahit na naitala na ang Nueva Ecija ang epicenter ng lindol ang pinakamalaking napinsala pa rin ay ang Baguio City, kung saan ang mga establishimento, mga hotel, bundok ay naapektuhan.

Isa na dito ang glamorosong hotel na Hyatt Terraces Plaza. Ang Hyatt Terrace ay isang 5-star hotel sa South Drive, Baguio City, isa sa may pinakamagarbong ballroom, function halls at meeting halls sa lugar.

Dahil sa lindol ang dating matayog at pinatibay ng 15 taon ay bigla na lang naglaho at ngayon ay isa na lamang bakanteng lote.

Ayon sa mga lokal ng Baguio kapag sapit ng gabi ang mga taxi driver kapag napapadaan sa lugar at sa pedestrian lane sila ay bumubusina dahil madalas raw magpakita roon ang mga dating empleyado ng hotel na nag-aabang at sumisilong sa waiting shed.

5. LOAKAN ROAD

Tulad sa kwento ng Balete Drive, ang Loakan Road ay kilalang isa sa haunted places sa Baguio dahil na rin sa nagpapakitang White Lady dito ayon na rin sa mga lokal at mga turistang nakakita sa White Lady na pinaniniwalaang nananalagi sa mga Pine Tree sa kalagitnaan ng daan.